Bumaba ng 4.6 porsyento ang kaso ng stunting o pagkabansot sa mga bata mula taong 2023 hanggang 2025 sa 134 na munisipalidad sa buong bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Ang stunting ay isang kondisyon dulot ng matagalang kakulangan sa wastong nutrisyon kung saan mas mababa ang tangkad ng isang bata para sa kanyang edad at maaaring makaapekto sa pag-unlad ng kanyang utak.
Ayon sa DOH, ang pagbaba ng kaso ay patunay na epektibo ang direksyon ng pamahalaan sa ilalim ng Unified National Agenda o UNA for Health na naglalayong patatagin ang malulusog na paaralan, lugar-paggawa, at mga komunidad, kasabay ng pagpapatibay sa primary care at local health systems upang maagapan ang pagkakasakit.
Bilang pagpapatuloy ng kampanya, tututukan naman ng 235 munisipalidad at 5,396 barangay ang pagpapatupad ng mga nutrition-specific at nutrition-sensitive programs upang higit pang mapabuti ang kalusugan ng mga buntis at kabataan.
Ang hakbang na ito ay nakabatay sa Local Nutrition Action Plan para sa taong 2026 hanggang 2028, na nakaayon din sa mas malawak na Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028.














