-- Advertisements --

Palalakihin ng Department of Health (DOH) ang pondo at suporta nito sa pamamagitan ng PhilHealth at mga programa sa health promotion upang masugpo ang karahasan laban sa mga bata.

Ayon sa ahensya, tututukan nito ang dalawang pangunahing aspeto: ang preventive o pag-iwas sa pamamagitan ng health promotion, at ang curative o panggagamot sa pamamagitan ng mas pinalawak na PhilHealth coverage.

Sa ilalim ng preventive approach, isasama ng DOH ang kanilang health promotion sa programang Yaman ng Kalusugan Program o “YAKAP” upang maglunsad ng mga oryentasyon sa mga paaralan na magtuturo sa mga magulang at bata kung paano matukoy ang mga maagang senyales ng pang-aabuso.

Para naman sa curative side, agad na inire-refer ng mga pediatrician sa mga Child Protection Unit ng mga ospital ng DOH at lokal na pamahalaan ang mga batang may mga pasa o palatandaan ng pang-aabuso.

Sa kasalukuyan, sakop na ng PhilHealth ang outpatient at emergency room benefits para sa mga batang biktima na dinadala sa mga pagamutan.

Gayunpaman, bumubuo na ngayon ang DOH at PhilHealth ng isang mas komprehensibong benefit package na sasaklaw na rin sa post-care o patuloy na pangangalaga at pagpapagaling ng mga biktima.

Binigyang-diin ng DOH na ang karahasan sa mga bata ay isang matinding krisis sa pampublikong kalusugan, lipunan, at dignidad ng tao na nangangailangan ng pagtutulungan ng buong gobyerno, buong bansa, at buong mundo.