Naglunsad ang 4th Infantry Division ng nationwide 18-day campaign drive na naglalayong wakasan ang karahasan laban sa kababaihan, sa loob man o labas ng mga kampo ng militar.
Nagsagawa rin ng simultaneous flag-raising ceremony sa 4th Infantry Division Administration Building sa Camp Edilberto Evangelista, Barangay Patag.
Sa seremonya, hinimok ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete ang lahat ng sundalo na patuloy na panindigan ang pagbibigay-proteksyon sa mga kababaihan.
Binigyang-diin naman ni Major General Marion Angcao, commander ng 4ID, na hindi lamang dapat protektahan ng militar ang mga kababaihan sa mga lugar na may hamon sa seguridad, kundi suportahan din ang kanilang makabuluhang pakikilahok sa mga inisyatiba para sa kapayapaan at seguridad.
Nakapaloob din sa kampanya ng dibisyon ang pagsusulong ng adbokasiya laban sa lahat ng uri ng gender-based violence upang makalikha ng ligtas at inklusibong espasyo para sa lahat, kung saan ang mga kababaihan ay tinatrato nang may dignidad at respeto.









