-- Advertisements --

Tinawag ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na pagpapaawa lamang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na baon na umano ito sa utang.

Una nang sinabi ng Bise Presidente na lumobo ang kanyang mga bayarin upang matustusan ang kanyang mga biyahe patungong The Hague, Netherlands para bisitahin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong at nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong war on drugs gayundin ang pambayad sa kanyang mga abogado sa kinakaharap nitong impeachment trial.

Ayon kay Cendaña, idinadaan lamang umano ni Duterte sa mala-teleseryeng kuwento ang kanyang sitwasyon upang linlangin ang taumbayan.

Iginiit ng mambabatas na ang tunay na “utang” ni Duterte sa publiko ay ang pananagutan at paliwanag, lalo na’t hindi pa rin umano ito humaharap nang direkta sa Senado sa nagpapatuloy na impeachment proceedings upang linawin ang mga kuwestiyonableng yaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na patuloy umanong itinatago ng kanilang pamilya.

Pinuna rin ni Cendaña ang pagdududa umano ng kampo ni Duterte sa pagkakaroon ng patas na paglilitis o fair trial sa impeachment court, maging sa nakatakdang pagdinig ng ICC laban sa kanyang ama sa Lunes, Nobyembre 30.

Aniya, inaasahan na umano niya ang ganitong linyahan mula sa mga Duterte dahil hindi naman umano naniniwala ang mga ito sa rule of law, subalit giit niya ay maswerte pa rin ang dating pangulo dahil natatamasa nito ang buong karapatan sa ilalim ng batas hindi tulad ng sinapit ng mga biktima ng Oplan Tokhang noong nasa kapangyarihan pa ang kanilang administrasyon.

Dagdag pa nito, hindi dapat gamitin ni Duterte ang usapin ng fair trial dahil hindi umano nito naiintindihan ang tunay na kahulugan ng patas na hustisya na ipinagkait umano nila sa libo-libong nasawi sa kampanya kontra ilegal na droga.