-- Advertisements --

Pormal nang nilagdaan ng Department of Health (DOH) at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Ministry of Health ang isang kasunduan upang higit pang mapatatag ang sistemang pangkalusugan sa rehiyon, partikular sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Pinangunahan nina DOH Secretary Edwin Mercado at BARMM Minister of Health MP Atty. Jimael Salam D. Salliman ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatatag ng Implementation Framework ng Health System Resilience Project, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng Universal Health Care sa buong bansa.

Sa ilalim ng nasabing proyekto, tututukan ang pagpapalakas ng mga primary care network, pagpapaunlad sa kakayahan ng mga health worker, at pagpapataas sa kalidad ng serbisyong medikal para sa mga residente sa dalawang lalawigan.

Kasama rin sa mga pangunahing layunin ang pagtitiyak sa kahandaan ng rehiyon sa pagtugon sa mga sakuna at emerhensiya sa pamamagitan ng mas pinaigting na disease surveillance at mas matibay na laboratory networks.

Bukod dito, isusulong din ang good governance, community engagement, at modernisasyon ng mga digital infrastructure—tulad ng dashboard-enabled referral system at supply chain management—upang matiyak ang tuloy-tuloy at matatag na serbisyong pangkalusugan na hindi maaapektuhan ng anumang pagbabago sa pamahalaan.