-- Advertisements --

Iginiit ni Iloilo First District Representative Janette Garin na naging pampolitika lamang ang usapin sa Dengvaxia, kasunod ng naging desisyon ng Sandiganbayan na ipawalang-sala siya at ang kaniyang mga kapwa akusado.

Pinawalang-sala ng anti-graft court ang dating kalihim ng kalusugan sa mga kasong graft at technical malversation kaugnay ng kontrobersyal na P3.55-billion procurement ng Dengvaxia vaccines noong 2015.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Iloilo, inihayag ni Garin na ginawang panakip-butas ng mga anti-vaccine groups at ng kaniyang mga kalaban sa politika ang isyu tuwing nagkakaroon ng mga kapalpakan o kaduda-dudang pagbili ng gamot sa Department of Health.

Binigyang-diin ng mambabatas na napatunayan sa korte na walang anumang pondo ang napunta sa kaniyang bulsa, habang nanindigan siya kasama ang mahigit 20 siyentista upang ipagtanggol ang integridad ng siyensiya at ang mga opisyal na dokumento ng kanilang depensa.

Iginiit din niya na ang nangyaring usapin ay nagdulot ng matinding epekto hindi lamang sa kaniya kundi pati sa mga doktor, mananaliksik, at eksperto sa pampublikong kalusugan na patuloy na nahaharap sa hamon ng pagkalat ng maling impormasyon.

Dahil dito, nanawagan si Garin sa komunidad ng mga eksperto na huwag mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy ang kanilang tungkulin upang tuluyang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga bakuna at sa pampublikong kalusugan.