Umabot na sa 11,965 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa ngayong taon hanggang Setyembre 23, ayon sa Department of Health (DOH).
Mas mataas ito ng 46 porsyento kumpara sa 8,189 kaso na naitala sa kaparehong taon noong nakaraang taon.
Samantala, mas mababa naman ang bilang ng mga kaso ng dengue ngayong taon.
Nakapagtala ang DOH ng 168,060 kaso ng dengue, o 30 porsyentong mas mababa kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, umabot sa 5.08 porsyento ang cumulative case fatality rate ng dengue ngayong taon, bagama’t mas mababa ito kumpara sa 10.53 porsyento noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, nakahanda ang sapat na suplay ng mga gamot para sa mga pasyenteng may leptospirosis.
Naipamahagi na rin umano ang mga gamot sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago pa man magsimula ang tag-ulan.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang publiko na agad komunsulta sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas tulad ng mataas na lagnat at matinding pananakit ng katawan, lalo na kung lumusong o nalantad sa baha.
Pinapayuhan din ang publiko na panatilihin ang kalinisan upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng mga sakit.














