Naipadala na ng Senado ang mga subpoena para sa mga testigong pinangalanan ng defense team ni Vice President Sara Duterte bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 19 at 20.
Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug na ipinadala na electronically ang mga subpoena sa mga testigong inaasahang haharap sa paglilitis.
Sa pamamagitan ng mga subpoena, pormal na ipinapatawag ang mga naturang testigo upang humarap sa Senado at magbigay ng kanilang testimonya kaugnay ng mga isyung tinatalakay sa impeachment proceedings.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Defense Counsel Michael Poa na nasa walo hanggang 10 testigo ang kanilang planong iharap sa paglilitis upang ilahad ang panig ng Bise Presidente.
Bahagi ito ng paglalahad ng depensa ng kanilang mga ebidensiya at paliwanag bilang tugon sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint laban kay Duterte na may kaugnayan sa unexplained wealth o ang hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Senado sa Huwebes at Biyernes, Nobyembre 19 at 20, kung kailan inaasahang sisimulan muli ng depensa ang pagpapaharap sa kanilang mga testigo.














