Inamin ni Atty. Anel Martin Antero na tumulong siya sa legal team ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa Bise Presidente.
Lumabas ito sa cross-examination ni prosecution counsel Atty. Amando Virgil Ligutan sa impeachment trial nitong Huwebes, Nobyembre 12, kung saan tinanong niya si Antero kung maituturing itong masugid na tagasuporta at tagapagtanggol ni Duterte.
Bilang tugon, sinabi ni Antero na naging bahagi siya ng legal team ng Bise Presidente pagdating sa mga kasong kinaharap nito.
Kinumpirma rin ng testigo na matagal na niyang kaibigan sina Duterte at ang asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Bilang bahagi ng pagtatanong, inilatag din ni Ligutan ang ilang social media post ni Antero na nagpapakita ng pagsuporta nito kay Duterte sa iba’t ibang pagkakataon.
Sa pamamagitan ng mga post na ito, sinuri ng prosecution ang personal na ugnayan ng testigo sa Bise Presidente at kung may kaugnayan ito sa kaniyang pagiging bahagi ng defense team.
Si Antero ang ikalimang testigo ng depensa na humarap sa impeachment court. Iniharap siya upang magbigay-linaw sa ilang transaksiyong may kaugnayan kay Carpio, kabilang ang mahigit P205,000 na ginastos sa isang restaurant sa Tokyo, Japan noong Mayo 19, 2023.
Ayon sa depensa, kasama ni Antero si Carpio sa naturang biyahe at ginamit ang credit card ng huli upang bayaran ang restaurant bill. Ipinaliwanag din ng testigo na naghati-hati sa bayarin ang mga kasama sa grupo at kalaunan ay binayaran nila ang kani-kanilang bahagi.
Matatandaang nakatuon ang kasalukuyang paglilitis sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong deklarasyon ng kaniyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).














