-- Advertisements --

Pinatutupad ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang modernisasyon ng mga pasilidad sa pangingisda sa iba’t ibang rehiyon upang mapabuti ang postharvest handling at mapalawak ang oportunidad sa merkado para sa mga komunidad ng mangingisda.

Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang Mambajao Modern Fish Port sa Camiguin na magpapabuti sa operasyon ng paghawak ng isda mula sa kanilang produksyon, gayundin ang Masantol Modern Fish Market sa Pampanga na magtatampok ng 20-metric-ton ice plant upang mapanatili ang kalidad ng mga huling produkto tulad ng sugpo at tilapia.

Patuloy ding pinalalawak ng ahensya ang kapasidad ng Camaligan Fish Port sa Camarines Sur upang maserbisyuhan ang libu-libong mangingisda at mangangalakal sa rehiyon sa pamamagitan ng mas episyenteng sistema ng pamamahagi.

Binigyang-diin ni PFDA General Manager Atty. Glen A. Pangapalan na layunin ng mga hakbang na ito na patatagin ang supply chain ng bansa, maiwasan ang postharvest losses, at ikonekta ang mga lokal na komunidad sa mas malawak na pamilihan.

Samantala, naglabas din ng direktiba si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na pag-ibayuhin ang koordinasyon sa mga ahensya laban sa mga pagkaantala sa proyekto, kasabay ng panawagan para sa isang standardized na kulay ng mga pasilidad ng PFDA upang mas madaling makilala ng publiko.