-- Advertisements --

Tumanggap ng malaking pondo at teknikal na tulong ang Aklan Agri-Aqua Demonstration Farm and Training Center mula sa Republika ng Korea sa pamamagitan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) para sa bagong smart greenhouse facility nito.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pormal na pagbubukas ng proyektong Value Chain Enhancement of High-Value Crops through Smart Agriculture (VEHCSA) upang mapalago ang produksyon ng mga high-value crop.

Ang pasilidad sa Kalibo ay kabilang sa apat na pilot site sa bansa—kasama ang Tigbauan, Iloilo; Patnongon, Antique; at Bago City, Negros Occidental—na nilagyan ng mga automated at climate-controlled na sistema mula sa KOICA para tuloy-tuloy ang ani kahit anong panahon.

Bukod sa mga kagamitan, nag-abot din ang KOICA ng tulong para sa pagsasanay ng mga lokal na magsasaka, tamang post-harvest handling, at pagsunod sa Good Agricultural Practices (GAP).

Ang pinakamahalagang pagsubok sa proyekto ay ang kakayahan ng mga magsasaka na patakbuhin ang pasilidad nang maayos at humanap ng mga pribadong mamimili para sa kanilang mga produkto.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan na ito sa KOICA, layunin ng Department of Agriculture (DA) na gawing moderno at kumikitang negosyo ang pagsasaka para sa mas mataas na kita at seguridad sa pagkain.