-- Advertisements --

Pansamantalang lilimitahan ang operating at delivery hours ng mga shopping malls at commercial centers sa Metro Manila simula Nobyembre 16, bilang paghahanda ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa paparating na Kapaskuhan, ayon sa anunsyo ng awtoridad nitong Martes.

Sa ilalim ng kasunduan ng mall operators at MMDA, ipatutupad ang 11 a.m. opening hours hanggang 11 p.m. na closing hours sa mga shopping mall sa National Capital Region simula Nobyembre 16 hanggang Araw ng Pasko, Disyembre 25.

Ipatutupad din ang overnight window limitation ng delivery operations sa commerical centers kung saan sa loob lamang ng 11 p.m. hanggang 5 a.m. pahihintulutan ang pag-deliver, ngunit hindi naman nito masasaklaw ang paghatid ng mga perishable goods, tulad ng food items at yelo.

Dagdag pa nito, bagama’t maaaring magdaos ng sales anumang araw ang individual stores sa loob ng shopping malls nang walang public advertisements, commercials, o banners, pahihintulutan lamang ang mga mall-wide sales tuwing weekends.

Inaatasan din na magsumite ng local traffic management plans ang mga mall operator dalawang linggo bago ito magdaos ng major sales o promotional events sa mas mabisang ugnayan ng pagtalaga ng kinakailangang traffic enforcement personnel mula sa ahensiya.

Samantala, hindi saklaw ng mga naturang limitasyon ang mga restaurants, supermarkets, at government service centers sa loob nito na maaari pa ring mag-operate sa ilalim ng regular business hours.