-- Advertisements --

Nakapaglatag na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng security plan para sa nalalapit na 49th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit na gaganapin sa Metro Manila.

Nakatakda ang summit mula Nobyembre 13 hanggang 18, 2026 at magsisilbing pangunahing venue ang Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ayon kay NCRPO Spokesperson, Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, mahigit 12,600 tauhan ng NCRPO ang ipapakalat para magbantay sa mga pangunahing venue.

Bukod pa ito sa mga itatalagang force multipliers mula sa iba’t-ibang mga grupo tulad ng mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Asilo, idedeploy ang mga pulis sa buong perimeter, venue, at route security upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng ASEAN delegates, diplomats, at dignitaries na dadalo mula sa iba’t-ibang bansa.

Sasama rin ang mga pulis sa mga convoy mula pagdating ng mga delegado dito sa bansa hanggang sa kanilang pag-uwi sa pagtatapos ng ASEAN Summit.

Maliban sa seguridad, tututukan din ang NCRPO ang medical components ng ASEAN security upang paghandaan ang anumang medical emergency na posibleng mangyari sa kasagsagan ng pagpupulong.

Sa kasalukuyan, ilang serye ng simulation exercises din ang isinasagawa ng PNP, lalo na sa mga kritikal na pagkakataon upang mapaghandaan ang lahat ng mga insidente na maaaring mangyari habang isinasagawa ang high-level meeting ng mga dignitary mula sa iba’t-ibang Southeast Asian countries.