-- Advertisements --

Magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng 2,419 tauhan sa Metro Manila upang tumulong sa pamamahala ng trapiko at pagpapanatili ng kaayusan ngayong Undas 2026.

Sa ilalim ng Oplan Undas, mahigpit na babantayan ng ahensya ang mga pangunahing bus terminal, kalsada at sementeryo, kabilang ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, Loyola Memorial Park sa Marikina at San Juan Public Cemetery.

Magsasagawa rin ng inspeksiyon sa mga bus terminal, kabilang ang EDSA-Cubao sa Quezon City at Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX, upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Simula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3, magsasagawa rin ng paglilinis sa paligid ng mga pangunahing sementeryo, habang nakahanda ang mga ambulansya at rescue vehicle para sa mga emergency.

Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, makikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan upang maglagay ng mga inuming tubig sa mga terminal at sementeryo dahil sa banta ng matinding init ng panahon.

Tiniyak din ni Artes na magkakaroon ng hydration breaks at sariling inuming tubig ang mga tauhang nakatalaga sa operasyon upang maprotektahan sila sa matinding init ng panahon na inaasahang dulot ng El Niño.

Pinayuhan din ang mga LGU na maagang ipaalam sa publiko ang mga pagsasara ng kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko, gayundin ang paglalagay ng mga help desk para sa mga nangangailangan ng impormasyon at tulong.