Sinagot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga naging findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa kondisyon ng kanilang mga pumping station.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, totoo na may 28 pumping station pumps na kasalukuyang hindi nagagamit dahil sumasailalim ang mga ito sa repair, replacement o rehabilitation.
Katuwang aniya ng MMDA ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagkukumpuni ng mga ito, na inaasahang matatapos pagsapit ng Nobyembre 5.
Sa kabila nito, iginiit ni Artes na nananatiling operational ang lahat ng 73 pumping stations ng MMDA at may sapat na baseline capacity ang mga ito para maalis ang tubig sa kanilang mga pangunahing catchment area.
Matatandaang iniulat ng COA na 28 sa 119 na malalaking pumping station pumps ang hindi gumagana at sumasailalim sa repair, replacement o rehabilitation, na hindi umano tugma sa naunang ulat na 100 percent operational ang mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Artes na pinag-aaralan na ng MMDA ang pagkuha ng private insurance para sa ilang pumping station na hindi sakop ng insurance ng Government Service Insurance System o GSIS.
Ayon kay Artes, ipinaliwanag ng GSIS na hindi nito maaaring ipa-insure ang mga pumping station na itinayo sa mga lupang hindi pagmamay-ari ng MMDA.
Isa rin aniya sa problema ang matagal na proseso ng pagpapatitulo sa mga lupang kinatitirikan ng ilang pumping station.
Tiniyak naman ni Artes na maliit na bahagi lamang ng mga pumping station ng MMDA ang hindi insured at mas marami pa rin ang may insurance coverage.
Matatandaang ayon sa COA, nasa mahigit walong punto apatnapu’t pitong bilyong pisong halaga ng flood control infrastructure, kabilang ang 77 pumping station at floodgate, ang nananatiling uninsured sa kabila ng mga naunang audit warning.
















