-- Advertisements --

Posibleng may bahagi ang paglaganap ng online lending at online gambling sa mga problemang pinansiyal na kinakaharap ng mga Pilipino, ayon kay Senate Majority Leadrer Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Nabanggit ito ni Zubiri sa deliberasyon para sa panukalang 2027 national budget nang hingin niya ang pananaw ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli M. Remolona Jr. tungkol sa epekto ng online gaming sa paggastos ng publiko.

Tinanong ng senador kung mas nararapat bang tuluyang ipagbawal ang online gaming o kaya naman ay higpitan na lamang ang regulasyon dito upang mabawasan ang masamang epekto nito sa spending habits ng mga mamamayan.

Ipinunto rin ni Zubiri na kailangang seryosohin ang usapin at alamin kung anong mga hakbang ang maaaring gawin upang matugunan ang problemang ito.

Sa parehong talakayan, sinabi ng senador na naniniwala siyang kakayanin ng bansa ang mga hamon sa susunod na dalawang taon. Gayunman, ikinababahala niya ang magiging direksiyon ng Pilipinas sa ilalim ng susunod na administrasyon.

Dahil dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maingat na pagpili ng mga lider sa 2028 elections. Nagbabala si Zubiri na kung hindi magiging maayos ang pagpili ng mga susunod na mamumuno, maaaring lalo pang lumala ang kalagayan ng bansa.

Samantala, matatandaang ayon sa Philippine Statistics Authority, 2.1% lamang ang naitalang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas noong third quarter ng 2026.