Sa kanyang unang linggo sa panunungkulan, nag-promote si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ng 29 kawani sa iba’t ibang posisyon sa mga pangunahing pantalan at opisina upang agad na mapunan ang mga bakanteng tungkulin sa pamamagitan ng merit-based selection process.
Matatandaang nangako si Mendoza sa kanyang unang flag-raising ceremony na ang promosyon, designasyon, at pagtanggap ng mga bagong empleyado ay mahigpit na ibabatay sa aktwal na husay at kakayahan at hindi sa koneksyon.
Pasado ang mga na-promote na kawani sa lahat ng kwalipikasyon para sa kanilang posisyon at dumaan sa masusing pagsusuri ng Human Resource Merit Selection Board alinsunod sa mga panuntunan ng Civil Service Commission.
Kabilang sa mga posisyong napunan ang Customs Operations Officer V, Customs Operations Officer III, Attorney III, at Information Technology Officer II.
Binigyang-diin ni Mendoza na kinakailangang pasimplehin at pabilisin ang proseso ng promosyon at pagkuha ng mga tauhan matapos niyang atasan ang Internal Administration Group na suriin ang mga kasalukuyang patakaran upang matiyak ang agarang pagpuno sa mga bakanteng posisyon.
Itatalaga ang mga bagong promote na kawani sa Port of Manila, Manila International Container Port, Ninoy Aquino International Airport, Port of Cebu, Port of Iloilo, at Management Information Systems and Technology Group.
Ayon kay Mendoza, lalong pinalalakas ng mga promosyon na ito ang hanay ng BOC at sinusuportahan ang tuloy-tuloy na pagtupad sa kanilang mga pangunahing mandato sa koleksyon ng kita, pagbabantay sa hangganan, at pagpapadali ng kalakalan.














