-- Advertisements --

Pinaplano ng Department of Agriculture (DA) na maglaan ng P15 bilyon hanggang P18 bilyon para sa farm machinery at modernization sa 2027, kasabay ng pagsusulong ng bagong co-investment scheme upang mapabilis ang modernisasyon sa agrikultura.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., manggagaling ang tinatayang P9 bilyon mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), habang ang natitirang pondo ay kukunin mula sa iba pang programa ng kagawaran.

Sa ilalim ng panukalang co-investment scheme, papalitan ang nakasanayang libreng pamamahagi ng mga traktora at harvester kung saan sasagutin ng gobyerno ang 20% hanggang 30% ng halaga ng makinarya at idadaan sa pautang ang natitirang 70% upang maabot ang tatlong beses na mas maraming magsasaka.

Batay sa datos ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), nasa 60% hanggang 70% pa lamang ng mga palayan sa bansa ang sakop ng mekanisasyon at nangangailangan pa ng tinatayang P50 bilyon para sa ganap na modernisasyon.

Bukod sa palay, target din ng DA na palawakin ang mekanisasyon sa iba pang pananim tulad ng gulay, isulong ang paggamit ng solar-powered equipment at eco-friendly tractors, at makipagtulungan sa iba’t ibang bansa para sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka.