-- Advertisements --

Itinanggi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na pinoprotektahan ng ahensya ang mga kumpanya ng langis sa gitna ng isyu sa hindi ganap na pagpapatupad ng bawas-presyo sa petrolyo.

Kasunod ito ng sunod-sunod na reklamo ng mga motorista dahil hindi nasunod ng ilang gasolinahan ang malakihang fuel price rollback na itinakda ng kagawaran taliwas sa sitwasyon kapag may oil price hike na agad ipinatutupad.

Binigyang-diin ni Garin na nananatiling epektibo ang direktiba ng DOE at kailangang sumunod ng mga istasyon ng gasolina sa prescribed price adjustments habang pinag-aaralan ng ahensya ang mga hakbang upang maayos ang sistema.

Ipinaliwanag ng kalihim na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DOE sa mga oil companies upang alamin ang ugat ng problema kabilang ang mataas na transport cost, insurance premiums, at pagkakaiba-iba ng presyo sa pagitan ng mga kumpanya.

Dagdag pa niya, tinitingnan din ng kagawaran ang mga posibleng solusyon tulad ng staggered implementation o pagtatakda ng price ranges, ngunit nilinaw na masyado pang maaga ang assessment upang maglabas ng pinal na desisyon.

Tiniyak ni Garin na hindi isasakripisyo ang kapakanan ng mga motorista sa anumang pagbabagong gagawin, kasabay ng pagpuna sa mga kumpanyang hindi nagdedeklara ng deviation sa kanilang ipinatutupad na price adjustment.

Habang isinasagawa ang pagsusuri, nagpadala na ang DOE ng mga inspektor sa mga lugar na may maraming reklamo at naglabas ng show cause orders laban sa mga lumalabag na gasolinahan.