-- Advertisements --

Nag-isyu ng show cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 259 gasoline stations matapos mabigong ipatupad ang itinakdang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo sa nakalipas na tatlong magkakasunod na linggo.

Ayon sa ahensya, isinagawa ang serye ng on-the-ground inspections sa mga naturang gasolinahan sa kasagsagan ng sunod-sunod na rollback. Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ng mga inspektor na hindi sinunod ng mga establisyimentong ito ang eksaktong halaga ng bawas-presyo na ipinag-utos ng kagawaran.

Ipinaliwanag ni Atty. Gabriel B. Corpuz ng DOE Legal Services, na maaaring humarap sa mabigat na parusa ang mga mapapatunayang lumabag, kabilang ang suspensiyon ng kanilang Certificate of Compliance (COC).

Dagdag pa ni Corpuz, sakaling masuspinde ang COC ng isang gasolinahan, agad ipagbibay-alam ng DOE ang hakbang na ito sa kaukulang local government unit (LGU). Nasa pagpapasya na ng lokal na pamahalaan kung tuluyang ipapasara ang apektadong istasyon ng gasolina.

Samantala, inihayag naman ni Energy Secretary Sharon Garin na malabo pang maibalik ang presyo ng gasolina sa pre-war levels. Ayon sa kanya, patuloy na binabantayan ng kagawaran ang iba’t ibang salik sa pandaigdigang merkado, kabilang ang galaw ng presyo ng krudo, gastusin sa transportasyon, at insurance premiums.

Nilinaw ng kalihim na bagama’t bumababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, malaki pa rin ang epekto ng palitan ng piso kontra dolyar sa lokal na presyo.

Aniya, nagiging mabigat ang pag-angkat dahil nananatiling mahal ang dolyar, na direktang nakakaapekto sa kuwenta ng lingguhang price adjustment.