-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na alisin muna sa panukalang 2027 national budget ang mga programa ng ayuda at iba pang gastusing hindi direktang nakatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.

Inihayag ito ni Lacson sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang pambansang budget nitong Lunes, Nov. 23, kung saan kinuwestiyon niya ang prayoridad ng pamahalaan sa paggasta ng pondo sa gitna ng paghina ng ekonomiya.

Ayon sa senador, kailangang ituon ang pambansang budget sa mga programang may direktang ambag sa paglikha ng trabaho, pagpapalago ng negosyo at pagpapasigla ng mga pangunahing sektor ng ekonomiya.

“Anong gawin natin to save this country? Tanggalin na muna natin mga ayuda. Tanggalin na muna natin mga hindi growth-oriented na investment sa budget,” ani Lacson.

Partikular na kinuwestiyon ng senador ang P241 bilyong nakalaan para sa iba’t ibang programa ng ayuda sa bersiyon ng Senado ng panukalang budget. Mas mababa ito kumpara sa P263 bilyong alokasyon sa bersiyon ng Kamara.

Kabilang sa mga programang binanggit niya ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Tulong Dunong.

Para kay Lacson, dapat suriin kung kailangan pang magkaroon ng magkakahiwalay na pondo para sa ilang programa, lalo na kung mayroon nang umiiral na mga serbisyong panlipunan na maaaring paglaanan ng naturang tulong.

Gayunman, sinabi ni Ejercito na rerepasuhin nila ang mga proyektong itinuro ni Lacson at aalisin ang mga ito sa budget kung mapatutunayang may iregularidad.

Matatandaang sinimulan ng Senado nitong November 23 ang plenary deliberations sa panukalang P7.2 trilyong pambansang budget para sa 2027, kung saan kabilang sa mga pangunahing usapin ang tamang paggamit ng pondo ng bayan sa gitna ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.