Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) si Douglas Michael Nocum Mallillin bilang bagong Chairperson ng Commission on Audit (COA) nitong Lunes, November 23.
Naganap ang kumpirmasyon matapos irekomenda ng CA Committee on Constitutional Commissions and Offices ang kanyang nominasyon sa plenary session.
Papalitan ni Mallillin si dating COA Chairperson Gamaliel Cordoba, na itinalagang associate justice ng Korte Suprema. Tatapusin niya ang natitirang termino ni Cordoba na magtatapos sa Feb. 2, 2029.
Sa kanyang confirmation hearing, inilahad ni Mallillin ang kanyang mga plano upang palakasin at gawing mas episyente ang proseso ng pag-a-audit sa mga transaksiyon at proyekto ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nais niyang isulong ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at data analytics upang mas madaling matukoy ang mga posibleng iregularidad sa paggastos ng pondo ng gobyerno.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalayaan at pagiging patas ng COA sa pagsusuri sa paggamit ng pera ng bayan.











