Ibinunyag ni Senate Blue Ribbon Committee chairperson Panfilo “Ping” Lacson na iniimbestigahan niya ang umano’y paggamit ng mga flood control at iba pang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways bilang kapalit sa kumpirmasyon ni dating Sec. Manuel Bonoan bilang kalihim ng ahensya sa Commission on Appointments noong 2022.
Ayon kay Lacson, bagama’t posibleng malapit nang matapos ang imbestigasyon ng komite sa umano’y katiwalian sa flood control projects, nagpapatuloy parin umano ang kaniyang sariling pagsusuri sa mga pinaghihinalaang ghost o substandard na mga proyekto.
Dagdag pa ng senador, isa sa mga pinaka-intersadong impormasyon na lumitaw sa kanilang imbestigasyon ay ang umano’y paggamit ng mga proyekto sa insentibo sa panahon ng pagdinig ng Commission on Appointments para sa kumpirmasyon ni Bonoan.
Sinabi ni Lacson na galing kay dating DPWH Usec. Roberto Bernardo ang impormarsyon kung saan nangako umano si Bonoan ng humigit-kumulang P500 milyong halaga ng mga proyekto ng DPWH sa isang miyembro ng CA mula sa kamara. Aniya, sinabi ng naturang miyembro na ipamamahagi niya ang proyekto sa kanyang mga kasamahan ngunit kalaunan ay nagreklamo umano ang ilan sa mga ito dahil wala namang natanggap na proyekto.
Habang lumabas din sa imbestigasyon na sa panahong iyon, ang CA committee on public works and highways na nagkumpirma sa ad interim appointment ni Bonoan at pinamumunuan ng noo’y kinatawan ng SAGIP Party-list at ngayo’y senador na si Senator Rodante Marcoleta na siyang kilalang isa sa mga kritiko ni Lacson sa paraan ng paghawak ng Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa Flood control Projects.
Samantala, sinabi naman ni Lacson na patuloy pa ang beripikasyon sa naturang impormasyon, kabilang ang pagsusuri sa mga record na ibinigay ni Bernardo upang matukoy kung may katotohanan ang listahan ng mga proyekto na umano’y ginamit bilang kapalit ng kumpirmasyon ni Bonoan.















