Hinimok ni Sen. Panfilo Lacson si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamagitan bilang “referee” sa Senado at Kamara upang mapagkasundo ang malaking pagkakaiba ng kani-kanilang bersyon ng panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027.
Ayon kay Lacson, dapat makialam ang Pangulo dahil marami itong kaalyado sa dalawang kapulungan ng Kongreso na maaaring tumulong upang mapaglapit ang mga posisyon ng mga mambabatas.
Giit ni Lacson, kailangang iayon ang pondo sa mga prayoridad ng pamahalaan upang makabangon ang bansa mula sa kasalukuyang suliraning pang-ekonomiya.
Iminungkahi rin niyang magpulong muna ang mga miyembro ng Senate Committee on Finance, House Committee on Appropriations at economic managers ng pamahalaan bago simulan ang bicameral conference committee o bicam.
Layunin ng bicam na pag-isahin ang magkaibang probisyon ng mga bersyon ng panukalang budget na inaprubahan ng Senado at Kamara.














