-- Advertisements --

Sinuportahan ni Senator Robinhood “Robin” Padilla ang mungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na payagang boluntaryong mag-ambag ang mga Pilipino para makatulong sa pagbabayad ng pambansang utang.

Ayon kay Padilla, hindi naman sapilitan ang panukala kaya maaaring magbigay ang mga may sobrang pera upang makatulong mabawasan ang utang ng bansa na umaabot sa P19.66 trillion.

Sinabi rin ng senador na bagama’t wala pa umano siyang kakayahang magbigay ng naturang halaga, handa rin siyang mag-ambag kapag nagkaroon siya ng sapat na pera.

Binanggit din ni Padilla ang halimbawang inilatag ni Cayetano tungkol sa mga South Korean na tumulong sa pagbabayad ng utang ng kanilang bansa sa pamamagitan ng mga kontribusyon at maging donasyon ng kanilang alahas.

Matatandaan na inihain ni Cayetano ang mungkahi sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget noong Nobyembre 23.

Ipinaliwanag niya na kung hahatiin ang P19.66-trillion na pambansang utang sa 114.93 milyong Pilipino, katumbas ito ng P170,598.03 bawat isa.

Hinimok din ni Cayetano ang economic team at Bangko Sentral ng Pilipinas na pag-aralan ang posibleng paraan upang maisakatuparan ang boluntaryong kontribusyon.