-- Advertisements --

Tinalakay nina Senador Robin Padilla at Senador Erwin Tulfo ang posibleng epekto sa Pilipinas ng hidwaan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, lalo na sa usapin ng ugnayang diplomatiko at ekonomiya.

Sa deliberasyon ng Senado para sa 2027 budget ng Department of Foreign Affairs (DFA), tinanong ni Padilla kung hindi ba maaaring maipit ang Pilipinas sakaling magpatuloy ang tensyon ng dalawang bansa.

Iniugnay ito ng senador sa naunang pahayag ni US President Donald Trump na sa Estados Unidos kukuha ang Pilipinas ng mga pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya simula Enero 2027.

Dahil dito, nais malaman ni Padilla kung hindi magiging problema para sa Pilipinas ang ganitong pag-asa sa Estados Unidos kung nananatili itong magkalaban ng Iran. Kinuwestiyon din niya kung maaari itong magdulot ng mas mabigat na epekto sa ekonomiya at inflation sa bansa.

Bilang tugon, iginiit ni Tulfo na kailangang balansehin ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan nito sa Iran at Estados Unidos sa kabila ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, matatandaang nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag ni Trump at sinabing hindi nangangahulugang sa Estados Unidos lamang kukuha ang Pilipinas ng mga produktong agrikultura at enerhiya. Sa halip, nais ng pamahalaan na magkaroon ng mas maraming mapagkukunan upang hindi umasa sa iisang supplier.