-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kung bakit hindi ganap na naibalik sa orihinal na alokasyon ang pondo para sa ilang foreign-assisted projects (FAPs) sa ilalim ng bersyon ng Senado ng panukalang 2027 national budget, sa kabila ng pagbabalik sa kabuuang halaga nito sa antas ng National Expenditure Program (NEP).

Sa ilalim kasi ng NEP, nakalaan ang P271.22 bilyon para sa loan proceeds, P145.37 bilyon para sa government counterpart funds at P42.55 bilyon para sa unprogrammed support kaya meron itong kabuan na P459.16 bilyon na alokasyon. 

Ibinababa ito ng House of Representatives, sa kanilang bersyon, P328.45 bilyon lamang kabuang alokasyon, P167.72 bilyon ang para loan proceeds, P118.17 bilyon naman ang government counterpart funds at P42.55 bilyon ang unprogrammed support.

Samantala sa bersyon ng Senado, naibalik sa P459.16 bilyon ang kabuuang pondo, ngunit naging P223.41 bilyon ang inilaan sa loan proceeds, P133.4 bilyon ang government counterpart funds at lumubo naman sa P102.34 bilyon ang unprogrammed support.

Binigyang-halimbawa ni Lacson ang Laguna Lakeshore Road Network na may orihinal na P35.21 bilyong alokasyon sa NEP. Ibinaba ito ng Kamara sa P8.21 bilyon, at P22.21 bilyon lamang ang naibalik ng Senado.

Ipinaliwanag naman ni Senate Finance Committee Chair JV Ejercito na dumedepensa sa panukalang 2027 national budget na sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DWPH) na ang P22.209 bilyon ang halagang kaya nilang magamit para sa proyekto sa 2027.

Kasunod niyan, Nagbabala si Lacson na maaaring magbayad ang pamahalaan ng commitment fees at penalties dahil sa hindi maayos na pagpapatupad ng mga foreign-assisted projects.

Nauna nang sinabi ni Ejercito na nagbayad ang gobyerno ng 1.5 million dollars na commitment fees noong 2024 at 8 million dollars noong 2025.

Tinawag itong pagsasayang ng pera ni Lacson, lalo’t kabilang sa mga proyektong naaantala ang mga pangmatagalan at may malaking pakinabang sa ekonomiya, gaya ng road networks, subway at railway.

Binigyang-diin ng senador na may panahon pa ang Kongreso na maghanap ng karagdagang pondo at ibalik ang orihinal na alokasyon bago ang period of amendments upang maiwasan ang panibagong bayarin.

Dahil dyan, nanawagan si Lacson sa mga mambabatas na isantabi ang mga maling prayoridad at maglaan ng mas malaking pondo sa mga proyektong may malaking ambag sa nation-building at economic growth.

Binigyang diin ni Lacson, dapat magsakripisyo nang kaunti ang Kongreso upang matiyak na ang pambansang budget ay nakatuon sa mahahalagang proyektong magpapalago sa ekonomiya ng bansa.