-- Advertisements --

Umabot sa 8,320 ang bilang ng mga taong napatay kaugnay ng kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2022, batay sa paunang ulat ng independent Truth Commission na inilabas nitong Lunes, November 23.

Ayon sa komisyon, bunga ito ng anim na buwang pangangalap at pagsusuri ng mga impormasyon tungkol sa mga biktima. Kabilang sa mga pinagkunan nila ang mga ulat ng media, rekord ng pamahalaan, mga organisasyong tumutulong sa mga pamilya ng biktima, salaysay ng mga kaanak, at resulta ng forensic examinations.

Hindi lamang umano pangalan ng mga nasawi ang layunin ng kanilang talaan. Sinisikap din ng komisyon na matukoy kung saan nangyari ang mga pagpatay at kung anong impormasyon at ebidensiya ang maaaring magpatunay sa bawat kaso.

Gayunman, nilinaw ng komisyon na hindi pa ito ang pinal na bilang. Patuloy pa nilang ina-update ang kanilang Victims Registry habang may mga karagdagang insidente at pagkakakilanlan ng mga biktima na sinusuri. May 499 na tala rin na wala pang pangalan dahil hindi natukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi sa mga pinagkunang rekord.

Inilabas ang ulat isang linggo bago ang nakatakdang pagsisimula sa Nobyembre 30 ng paglilitis kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Nahaharap ang dating pangulo sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga.