-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga ilegal na firework at paputok habang papalapit ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, kasunod ng isang insidente sa fireworks display kung saan hindi bababa sa 18 katao ang sugatan sa Misamis Occidental.

Nitong Sabado, naiulat ang isang insidente sa Tangub City, Misamis Occidental sa kasagsagan ng grand opening ng Christmas Festival of Lights nito, kung saan sumabog patungo sa mga manonood ang nakalaang fireworks na para sana sa pagdiriwang ng pista.

Ani PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, kinakailangang responsable ang pagsasagawa ng mga selebrasyon at nararapat na naaayon sa mga regulasyong ipinatupad sa paggamit ng mga fireworks at iba pang pyrotechnic devices.

“As we welcome the holiday season, we want to underscore the importance of responsible celebration through strict regulation of fireworks and pyrotechnic devices,” saad ng hepe sa pahayag.

Kaugnay pa nito, naaresto rin ng Manila Police District sa isang operasyon ang anim na indibidwal, kabilang ang isang menor de edad na inilikas, na nagtatrabaho sa umano’y ilegal na pagawaan ng paputok sa loob ng isang residential compound sa Tondo, Manila nitong Linggo.

Narekober ng mga awtoridad ang tinatayang P500,000 halaga ng ilegal na pyrotechnic products.

Samantala, muling pinaalala naman ng kapulisan ang tungkulin nitong pigilan ang mga pinsalang dulot ng paputok sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at pagbabantay laban sa mga ilegal na aktibidad sa pyrotechnics sa buong bansa.

“Festive traditions must never come at the expense of public safety and must not be measured with loud firecrackers but by the absence of injuries,” ani Nartatez.