Tinawag ni mamamayang Liberal party list at human rights advocate Rep. Leila de Lima na makasaysayan ang inisyatiba ng Truth Commission na alamin at itala ang katotohanan sa likod ng mga pagpatay na iniugnay sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pahayag sa unang Truth Commission Conference ngayong Lunes, Nov. 23, iginiit ni De Lima na mahalagang maibahagi sa International Criminal Court (ICC) at sa buong mundo ang mga matutuklasan ng komisyon upang makatulong sa paghahanap ng katotohanan at paniningil ng pananagutan para sa mga biktima.
Binigyang-diin ni De Lima na hindi dapat matapos sa pagdodokumento at paglalabas ng ulat ang pagsisikap ng komisyon. Aniya, mahalagang magamit ang mga impormasyong makakalap upang mas maunawaan ang mga nangyari noong drug war at makatulong sa mga hakbang na naglalayong panagutin ang mga responsable.
Sa unang national conference nito na ginanap sa Philippine Normal University sa Maynila, inilalahad ng komisyon ang resulta ng anim na buwang dokumentasyon at pagsusuri. Kabilang dito ang pagtukoy sa mga biktima, lugar kung saan naganap ang mga insidente, at pagsusuri sa mga rekord mula sa iba’t ibang pinagkukunan.
Batay sa paunang tala ng komisyon, nakapagtala ito ng 8,320 dokumentadong kaso ng pagpatay mula 2016 hanggang 2022, na naitala sa 72 probinsiya at 730 lungsod at munisipalidad. Nilinaw naman ng komisyon na patuloy pang sinusuri at ina-update ang mga rekord kaya hindi pa ito maituturing na pinal na bilang ng mga nasawi.
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands.














