Nagbigay umano ng panibagong pag-asa sa mga biktima ng war on drugs ang nalalapit na paglilitis sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), matapos ang ilang taong paghihintay na mapanagot ang mga nasa likod ng mga umano’y paglabag na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Truth Commission spokesperson Carlos Conde na mahalaga ang pagsisimula ng paglilitis hindi lamang para sa mga biktimang direktang kabilang sa kasong dinidinig ng ICC, kundi maging sa iba pang pamilya na umaasang mabibigyan din ng pagkakataong makamit ang hustisya.
Ayon kay Conde, bagama’t hindi pa tiyak kung gaano katagal ang paglilitis at kung ano ang magiging desisyon ng mga hukom, mahalaga pa rin ang pagkakataong mailahad ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa harap ng international community.
Binigyang-diin ni Conde na hindi lamang ang mga biktimang direktang kabilang sa mga kasong dinidinig ng ICC ang nakararamdam ng pag-asa, kundi pati ang iba pang pamilyang naapektuhan ng kampanya kontra droga na hindi kasama sa kasalukuyang kaso.
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay Duterte sa ICC kaugnay ng mga kasong crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, na may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng bansa.














