-- Advertisements --

Dumepensa ang kampo ni Senador Bato Dela Rosa ukol sa pag-andar ng proseso sa kinakaharap nitong ‘ethics complaint’ sa Senado. 

Sa opisyal na pahayag ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, kanyang iginiit na ang ‘findings’ ng Senate Ethics Committee ay di’ agad katumbas sa desisyon nito. 

Itinuring kasi ng komite bilang ‘sufficient in form and substance’ ang reklamo kontra sa senador ngunit ayon sa abogado, hindi ito nangangahulugan may nilabag na sa ‘Senate Rules’ ang mambabatas. 

Ang naturang hakbang aniya ay parte ng proseso upang pormal na maipadala ang reklamo sa ‘respondent’ para ito’y magsumite naman ng kanyang kasagutan. 

Kinumpirma ni Atty. Torreon na natanggap at kinilala naman na ng opisina ng senador ang nabanggit na reklamo. 

Ngunit tanong kung ang iba pang mga ‘complainants’ ay magpapasa din ng kanilang ‘affidavits’. 

Gayunpaman, tiniyak ng kanilang kampo na maghahain ng kasagutan si Senator Bato Dela Rosa sa loob ng ibinigay na panahon ng komite. 

Hihilingin daw nila sa Senate Ethics Committee na mabasura lamang ang naturang reklamo. 

Habang binigyang diin ng abogado na hindi naman inabando ng mambabatas ang kanyang opisina sapagkat nananatili naman daw itong nakabukas at patuloy sa pagtatrabaho. 

Aniya’y wala si Sen. Bato nang pisikal sa kadahilanang nahaharap sa ‘arrest warrant’ at posibleng pagsuko tungo International Criminal Court. 

Subalit kung ang mga kaso o alegasyon ibinabato sa mambabatas ay dadalhin sa lokal na korte, may posibilidad aniyang magpakita ang senador.

Si Sen. Bato ay inireklamo sa Senado ng grupong Wag Kang KuCorrupt dahil sa haba ng pagiging ‘absent’ mula sa mga opisyal na gampanin bilang Senador ng bansa. 

Sa kabila nito, nananatiling kumpyansa pa rin ang kampo ng mambabatas na magdedesisyon ang komite base sa ‘Rules’ at ‘ebidensya’.