Posibleng aabot sa humigit-kumulang dalawang taon o higit pa ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang naturang trial ay nakatakdang magsimula sa Nobiyembre-30, mahigit 20 buwan mula noong naaresto ang dating pangulo dito sa Pilipinas.
Ayon kay ICC-accredited lawyer, Atty. Gilbert Andres, maaari pang mas mapaikli o mas mapahaba ang trial depende sa takbo ng mga pagdinig at sa bilis ng paglalahad o pagpapaharap sa mga testigo at sa mga inihandang ebidensiya ng magkabilang panig.
Si Atty. Andres ay isa sa mga common legal representative ng mga biktima ng drug war ng nakalipas na administrasyon, at ayon sa kaniya, mahalaga ang naging desisyon ng international tribunal na obligahin ang dating pangulo na humarap mismo sa paglilitis.
Inaasahan ding ilang mga kaanak ng mga biktima ang personal na susubaybay sa mga serye ng pagdinig na gaganapin sa The Hague, ang headquarters ng ICC.
Ayon kay Atty. Andres, iisa lamang ang uri ng international crime na kinakaharap ng dating pangulo ng Pilipinas kaya’t mas payak o simple ang kasong ito kumpara sa iba pang mga kasong nahawakan na dati ng international tribunal.
Samantala, kasabay ng pagsisimula ng trial sa Nobiyembre 30, inaasahang agad babasahan ng confirmed charges at hihingan ng plea ang dating pangulo ng Pilipinas.
Susundan ito ng opening statements ng prosecution, ng legal representatives ng mga biktima ng drug war, at ng defense team ng dating pangulo.
Susunod dito ang paghaharap ng prosecution sa kanilang unang limang testigo mula Nov. 30 hanggang Dec. 18, 2026.













