Inatasan ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pisikal na dumalo sa lahat ng araw ng kanyang paglilitis sa kasong crimes against humanity na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026 sa The Hague, Netherlands. Binigyang-diin ni ICC Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner ang kautusang ito sa ginanap na ikalima at huling status conference ng kaso ngayong Lunes, Nobyembre 2.
Sinang-ayunan naman ng lead defense counsel ni Duterte na si Peter Haynes ang utos ng korte at tiniyak niya ang pagsipot ng kanyang kliyente sa mismong courtroom sa oras na magsimula ang trial.
Bagama’t pinayagang lumiban ang dating pangulo sa status conference matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang dumalo, inulit ng korte na obligado siyang humarap araw-araw sa buong duration ng paglilitis.
Samantala, kinumpirma ni Senior Trial Lawyer at ICC Prosecutor Julian Nicholls na humigit-kumulang 29 na saksi mula sa Pilipinas ang nakatakdang tumestigo sa pamamagitan ng video o audio-visual link (AVL).
Dahil sa pitong oras na time difference sa pagitan ng Pilipinas at Netherlands, inayos ng korte ang iskedyul upang maiwasang lumampas ng alas-8 ng gabi sa Maynila ang pagpoproseso sa mga saksi.
Dahil dito, maaaring simulan nang mas maaga ang pagdinig sa The Hague bandang alas-8 ng umaga doon, na katumbas ng alas-3 ng hapon oras sa Pilipinas.
Inatasan din ni Judge Korner ang prosekusyon na unahing pakinggan ang mga saksing pisikal na haharap sa korte bago isalang ang mga tatestigo sa pamamagitan ng video conferencing upang mapanatili ang kaayusan ng trial.
Nagpatupad din ang ICC ng iba pang logistical adjustments kabilang ang pagsasaayos sa seating schedule sa loob ng courtroom para sa maayos na pag-usad ng pagdinig.
Bukod dito, inilabas na rin ng tribunal ang organisadong timetable para sa mga nakatakdang break time, lunch breaks, at afternoon breaks sa buong panahon ng paglilitis.
Nahaharap ang dating pangulo sa mga kaso kaugnay ng mga umano’y pagpatay at malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
Opisyal na magsisimula ang makasaysayang paglilitis sa Nobyembre 30 kung saan nakatakdang ilahad ng prosekusyon ang kanilang mga unang argumento at ebidensya.












