-- Advertisements --

Hindi pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingang gumamit ng wikang Tagalog sa opening statement ng paglilitis sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa ikalimang status conference, hiniling ni Paolina Massidda Principal Counsel of the Office of Public Counsel for Victims na payagang gumamit ng Tagalog sa pagbabahagi ng ilang salaysay ng mga biktima upang mas madaling maunawaan ng mga Pilipinong susubaybay sa paglilitis ang kanilang mga karanasan.

Gayunman, iginiit ni Presiding Judge Joanna Korner na dapat manatiling Ingles ang wikang gagamitin alinsunod sa mga patakaran ng korte. Ipinaliwanag din niyang maaaring gumamit ng interpretasyon at magkaroon ng salin ng mga transcript.

Samantala, itinakda ng Trial Chamber III ang iskedyul ng paglilitis sa tig-iisang oras na pagdinig na may kasunod na 30 minutong break, batay napagkasunduan ng prosekusyon at depensa.

Nakatakdang magsimula ang mismong paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.