-- Advertisements --

Umaasa ang kampo ni Sen. Bato Dela Rosa na aaksyunan na ng Korte Suprema ang inihain nitong panibagong manipestasyon kamakailan. 

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ng senador, dalangin aniya nila na gumawa na ng aksyon ang hukuman hinggil dito. 

Hiling ng kanyang kampo na pagbigyan o irekunsidera ng Kataas-taasang Hukuman ang naging desisyon nito sa makaraan din nilang manipestasyon. 

Kung babalikan, ibinasura ng naturang korte ang naunang manipestasyon ng mambabatas kaugnay partikular sa kahilingin na mag-isyu ang korte ng Temporary Restraining Order o TRO. 

Kanilang hiling na mapigilan sana ang implementasyon ng ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court ngunit ito’y hindi pinagbigyan dahil sa ‘lack of merit’. 

Ngunit kasabay sa mga panibagong pangyayari, katulad ng paglalagay ng 50-milyon piso patong sa ulo ni Sen. Bato, muli itong dumulog sa hukuman. 

Layon sa pinakabagong manipestasyon na himukin ang Korte Suprema na baliktarin ang naunang desisyon at tuluyan mag-isyu na ng Temporary Restraining Order upang harangin na dalhin sa International Tribunal ang senador.

Kaya’t umaasa ang kanyang kampo na aaksyunan na ng hukuman ang manipestasyon at pati ang pinag-ugatang petisyon na kumukwestyon naman sa legalidad ng pagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte tungo The Hague, Netherlands.