-- Advertisements --

Nakatakdang idaos ngayong Nov. 2 ang ikalimang status conference ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), bago ang pagsisimula ng paglilitis sa kasong crimes against humanity sa Nobyembre 30.

Gayunman, hindi personal na dadalo si Duterte sa pagdinig matapos aprubahan ng Trial Chamber III ang kanyang kahilingang talikuran ang pagdalo rito.

Sa halip, ang kanyang mga abogado ang haharap sa korte upang talakayin ang mga usaping may kaugnayan sa paghahanda sa paglilitis.

Kabilang sa mga tatalakayin ang listahan ng mga testigo ng prosekusyon, oras na ilalaan sa paglalahad ng ebidensiya, mga posibleng ebidensiyang makatutulong sa depensa, at mga hakbang para sa proteksiyon ng mga testigo.

Kabilang din sa agaenda ang schedule ng mga pagdinig, mga testimonya sa papamagitan ng audio-visual link, at iba pang usaping kaugnayan sa paglilitis.

Ayon sa ICC, nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026, sa The Hague, Netherlands.

Haharapin ni Duterte ang tatlong bilang ng crimes against humanity na may kaugnayan sa mga umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

Kabilang sa mga paratang ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong alkalde pa si Duterte, mga pagpatay sa tinaguriang high-value targets noong panahon ng kanyang pagkapangulo, at mga pagpatay at tangkang pagpatay sa mga operasyon sa ilalim ng barangay clearance.

Matatandaang noong Oktubre 8, nagpasiya ang ICC na fit to stand trial si Duterte, o kaya niyang makibahagi sa paglilitis at gamitin ang kanyang mga karapatan sa depensa.