-- Advertisements --

Nilinaw ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang pagbibigay ng due process kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi nangangahulugang dapat siyang protektahan laban sa paglilitis sa International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Lacson, nangangahulugan ito na dapat harapin ni Dela Rosa ang paglilitis sa ICC nang hindi nalalagay sa panganib ang buhay niya o nagkakaroon ng karahasan sa proseso ng pag-aresto. Binigyang-diin niyang pangunahing karapatan ng bawat tao ang due process, kabilang ang kanyang dating kasamahan sa PNP at Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest na inilabas ng ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. May nakalaang 50 milyong pisong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto sa senador, na idineklarang pugante sa hustisya ng DOJ at OSG.

Samantala, nauna nang tinanggihan ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang panawagang gumamit ng “shoot-to-kill” approach sa pag-aresto kay Dela Rosa, at iginiit na tungkulin ng pulisya na ipatupad ang batas.