Inihayag ni Atty. Rameses Victorius Villagonzalo, miyembro ng International Criminal Court (ICC) List of Counsel, sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo na hindi makaaapekto ang mga naging desisyon sa isinagawang ikalimang status conference kahapon, Nobyembre 2 sa magiging takbo ng unang araw ng paglilitis ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Nobyembre 30.
Isa sa mga pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang naging pasya ni Presiding Judge Joanna Korner na hindi pagbigyan ang hiling na gumamit ng wikang Tagalog ang mga saksi sa kanilang opening statements at sa halip ay gumamit ng Ingles.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Atty. Villagonzalo na mas madaling maiintindihan ng hukom ang mga nais ipabatid ng magkabilang panig patungkol sa mga mabibigat na alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs campaign noong kaniyang administrasyon.
Gayunpaman, kinilala rin niya ang kabilang panig ng isyu na ang paggamit ng wikang Ingles ay posibleng maging balakid para sa ilang Pilipinong nanonood at nag-aabang sa mga kaganapan na mas gustong maintindihan ito sa sariling wika.
Ayon pa kay Villagonzalo, nakasentro ang layunin ng prosekusyon at ng panig ng mga biktima sa paglalahad ng mga ebidensya sa harap ng mga hukom ukol sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao, kaya mahalagang mapatunayan nang wasto ang mga akusasyon sa ilalim ng ‘ideal scenario’ ng paglilitis.
Samantala, nilinaw rin niya na ang pagdalo ng ilang saksi sa pamamagitan ng teleconference ay hindi magdudulot ng anumang komplikasyon sa pagdinig, dahil hawak ng mga saksi at ng kani-kanilang mga abogado ang mga affidavit at iba pang mahahalagang dokumento na magsisilbing gabay sa kanilang mga testimonya at sa gagawing cross-examination.
Bilang bahagi ng mga mag-oobserba bilang opisyal na ICC accredited counsel sa kasong ito, layunin umano nilang masaksihan ang patas na paglilitis upang matiyak na iginagalang ang karapatan ng akusado, kabilang na ang presumption of innocence at due process.














