-- Advertisements --

Inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na nasa 40 hanggang 50 porsiyento lamang ng kapuluan ang epektibong nasasaklaw ng Philippine Army, na hindi pa sapat para sa mga logistic operations. Dahil dito, kailangan aniyang magtayo ng karagdagang strategic bases upang mapalakas ang depensa ng bansa.

Kabilang sa mga kakulangan ang limitadong naval facilities sa kanlurang bahagi ng bansa, kawalan ng dockyard at pangangailangan ng mga base sa silangang baybayin. Binanggit din ni Teodoro na maaaring hindi sapat ang tibay ng ilang kalsada at tulay para sa pagdadala ng mga kagamitang militar.

Sinabi ni Teodoro na malaking bahagi ng kakulangan sa pondo para sa depensa ay nasa imprastraktura. Kabilang naman sa mga prayoridad sa gastusin ang military exercises, internal security operations sa Mindanao, mga aktibidad sa West Philippine Sea at disaster response.

Sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, pinalalawak ng Armed Forces of the Philippines ang presensiya nito sa mga estratehikong lugar upang mapalakas ang kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang teritoryo at maritime interests nito.