-- Advertisements --

Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga surfer ang limang turista matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig o rip current habang lumalangoy sa karagatan malapit sa Barangay Sabang, Baler, Aurora noong Nobyembre 1, 2026, dakong alas-4:20 ng hapon.

Ayon sa PCG, nasa layong 20 hanggang 30 metro mula sa dalampasigan ang mga turista nang mamataan silang nangangailangan ng saklolo dahil sa malalakas na alon.

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang Baywatch team ng Coast Guard Station Aurora katuwang ang mga surfer at ligtas na naihatid sa pampang ang limang turista.

Kinumpirma rin ng ahensya na walang naitalang injury o nasugatan sa insidente.

Muling pinaalalahanan ng PCG ang publiko na sundin ang mga abiso sa kaligtasan sa dalampasigan at iwasang lumangoy kapag malakas ang alon o mapanganib ang kondisyon ng karagatan upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.