-- Advertisements --

Nakaligtas ang 40 pasahero at 18 tripulante matapos tumagilid ang pampasaherong barko na kanilang sinasakyan sa Real, Quezon nitong madaling araw ng Biyernes, October. 30.

Tinukoy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang barko bilang MV Virgen de Peñafrancia II.

Agad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) – Real, kasama ang iba pang emergency responders, kaya mabilis na nailikas ang lahat ng mga nakasakay sa tumagilid na barko.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ukol sa dahilan ng pagtagilid ng barko, kasama ang pananagutan ng kapitan at may-ari ng vessel.

Kinumpirma rin ng PCG na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng biktima, kasunod ng matagumpay na pagkakalikas mula sa barko.

Nangyari ang insidente humigit-kumulang 10 metro ang layo mula sa Real Port sa Barangay Ungos, kung saan bigla na lamang tumagilid pakanan ang naturang barko.