PCG, PINALAYAS ANG CHINESE FISHING VESSEL SA KATUBIGAN NG LAWAK ISLAND SA SPRATLYS
LOOPS: PCG, CCG, LAWAK ISLAND, TARRIELA, Yuetaiyu 63168
Pinaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese fishing vessel at apat nitong maliliit na bangka matapos mamataan sa territorial waters ng Lawak Island o Nanshan Island sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela, paulit-ulit na sinubukan ng mga tauhan ng Coast Guard na tawagin sa radyo ang barkong Yuetaiyu 63168 habang nakaangkla ito sa lugar. Tatlong beses ding umikot sa paligid ng barko ang rubber boat na sinasakyan ng mga tauhan ng PCG.
Nang hindi tumugon ang Chinese vessel, pinaalis ng mga tauhan ng Coast Guard ang apat na maliliit na bangka na nasa paligid nito. Kalaunan, bumalik ang mga ito sa kanilang mother vessel, na nag-angat ng angkla at umalis sa katubigan ng Lawak Island. Wala namang naiulat na insidente sa operasyon.
Binigyang-diin ni Tarriela na bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan, Palawan, ang Nanshan Island at hindi maaaring mangisda ang mga dayuhang sasakyang-pandagat sa territorial waters ng Pilipinas nang walang pahintulot.
Ayon sa PCG, ang paggamit ng maliliit na bangka mula sa isang Chinese mother vessel upang magsagawa ng pangingisda sa naturang katubigan ay paglabag umano sa mga batas ng Pilipinas, kabilang ang Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.














