-- Advertisements --

Iginiit ng Department of National Defense (DND) na wala umanong karapatan o moral na batayan ang China na diktahan ang Pilipinas kung paano at kanino ito makikipagtulungan upang ipagtanggol ang soberanya at pambansang interes.

Sa pahayag ni DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, sinabi nitong hindi kailangan ng Pilipinas ang pahintulot ng Beijing sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang bansa, lalo na pagdating sa usapin ng depensa at seguridad.

Tinawag din ni Andolong na mapanlinlang ang mga akusasyon ng China na may ibang bansang nagpapalala ng tensyon sa rehiyon, habang patuloy naman umano itong gumagamit ng panggigipit, pananakot at dahas upang ipilit ang mga inaangkin nito sa West Philippine Sea at iba pang karagatan.

Binigyang-diin ng DND na kung tunay na hangad ng China ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, dapat nitong itigil ang pananakot at igalang ang karapatang pandagat ng ibang bansa alinsunod sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Matatandaang naglabas ng pahayag ang DND kasunod ng mga alegasyon ng China na nagpapalala ng tensyon ang ilang opisyal ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghingi ng suporta mula sa mga bansang nasa labas ng rehiyon.

Kabilang sa mga naging usapin ang Philippines-Australia Defence Cooperation Agreement na nilagdaan noong Nov. 15. Ayon sa China, maaari umano itong magpalala ng tensyon sa South China Sea.