-- Advertisements --

Mahigit doble ang itinaas ng bilang ng mga barko ng China coast guard at People’s Liberation Army (PLA) navy na namonitor sa apat na pangunahing maritime features sa West Philippine Sea matapos ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN summit.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea retired rear admiral roy Vincent Trinidad, umabot sa 48 ang naitalang barkong Tsino mula Nobyembre 17 hanggang 23, kumpara sa 19 noong nakaraang linggo.

Kabilang dito ang 31 barko ng China coast guard at 17 warship ng Chinese navy.

Saklaw ng monitoring ang Ayungin Shoal, Bajo de Masinloc, Escoda Shoal at Pag-Asa island.

Nauna rito, 29 na barko ang naitala mula Nobyembre 3 hanggang 8, bago bumaba sa 19 noong linggo ng ASEAN summit.

Ayon kay Trinidad, kapansin-pansin ang pagbaba ng presensya ng mga barkong Tsino kasabay ng pagpupulong ng mga lider ng ASEAN, bago muling tumaas ang bilang matapos ang summit.

Aniya, maaaring ipinakita ng china na limitado ang presensya nito sa mga Maritime Zone ng Pilipinas habang isinasagawa ang regional gathering.

Sa kabila ng pagdami ng mga barkong Tsino, sinabi ng AFP na wala silang naitalang malaking insidente sa WPS sa pinakahuling monitoring period.