-- Advertisements --

Nanindigan si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang kapalit ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.

Ginawa ng kalihim ang pahayag nang matanong ukol sa naunang pahayag ni US Pres. Donald Trump na napapayag niya si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sa US kumuha ng lahat ng farm at energy imports ng bansa dahil ang US aniya ang maaaring aasahan ng mga Pilipino kapag lumala ang tensyon sa China.

Bilang kasagutan, sinabi ng kalihim na hinding-hindi maaapektuhan ang defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng US, anuman ang pinapasok nilang kasunduan sa kalakalan, enerhiya, at sa iba pang mga sektor.

Paliwanag pa ng kalihim, hindi sakop ng anumang kondisyong pang-ekonomiya ang Mutual Defense Treaty dahil stand-alone na kasunduan ito, saklaw ang militar ng dalawang bansa.

Umapela rin ang kalihim sa mga Pilipino na intindihin ang konteksto o tunay na kahulugan ng naging pahayag ni Trump at huwag isama o ihalo ang anumang trade agreement sa MDT.

Bagaman mas mabuti aniyang ang trade negotiators ng Pinas ang magpaliwanag sa naturang isyu, nanindigan ang kalihim na hindi pwedeng ipagpalit o makompromiso ang defense para sa anumang pakinabang sa kalakalan.

Ayon kay Teodoro, hindi naghahanap ang Pilipinas ng ganitong uri ng kasunduan.