-- Advertisements --

Tinalakay nina Senator Raffy Tulfo at Senator Risa Hontiveros ang problema sa pagdami ng mga gumagamit ng pekeng Persons with Disability (PWD) ID, kasunod ng ulat ng Department of Justice (DOJ) na tinatayang 5.6 milyon ang indibidwal na gumagamit nito.

Sa pagtalakay, iginiit ni Tulfo na marami sa mga ginagamit na PWD ID ay simpleng laminated card lamang at kinuwestiyon niya ang kakulangan ng mahigpit na beripikasyon upang mapigilan ang pag-isyu ng ID sa mga taong walang kapansanan. Binanggit din niya ang tinatayang mahigit P88 bilyong nawawalang kita mula sa hindi nabayarang buwis kaugnay ng mga diskuwentong ipinagkakaloob sa mga PWD.

Ipinaliwanag naman ni Hontiveros na may tatlong pangunahing pinagmumulan ng problema ito ay ang mga doktor na nagbibigay ng medical certification sa mga nagpapanggap na PWD, ang ilang tauhan ng mga lokal na pamahalaan na nag-iisyu ng ID nang walang sapat na beripikasyon, at ang kakulangan ng maayos na sistema ng pagkilala at pagpapatunay sa mga lehitimong benepisyaryo.

Ayon kay Hontiveros, naglabas na ang Department of Health (DOH) ng administrative order na nagtatakda kung aling mga espesyalisasyon ng doktor ang awtorisadong magbigay ng medical certification para sa PWD application.

Iminungkahi rin niya ang pagrerebisa ng implementing rules and regulations upang mabigyan ng kapangyarihan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging issuing agency ng unified PWD ID system, na may mas mahigpit na validation at online reapplication.

Samantala, iminungkahi ni Tulfo ang paggamit ng QR code upang magkaroon ng iisang sistema ng pagkilala sa mga lehitimong PWD. Nilinaw naman ni Hontiveros na isinusulong ang digital PWD ID na QR code na lamang ang gagamitin sa halip na pisikal na card.

Binigyang-diin ng dalawang senador ang pangangailangang palakasin ang beripikasyon at pananagutan upang maprotektahan ang mga tunay na PWD at maiwasan ang pang-aabuso sa mga benepisyong nakalaan para sa kanila.