Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros kung paano nakuha ni “Joseph Sy” ang Filipino identity sa kabila ng mga umano’y iregularidad sa kaniyang birth certificate at iba pang dokumento.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights nitong Huwebes, iginiit ni Hontiveros na kailangang matukoy kung paano nakalusot sa proseso ng beripikasyon ang mga dokumentong ginamit upang patunayan ang pagkakakilanlan ni Sy.
Matatandaang iniuugnay si Sy sa pangalang Chen Zhong Zhen, isang Chinese national na iniulat na ipinanganak at lumaki sa China bago lumipat sa Pilipinas. Si Sy ay dating chairman ng nickel mining company na Global Ferronickel Holdings Inc.
Samantala, kinumpirma ni Philippine Statistics Authority (PSA) Legal Service Director Atty. Eliezier Ambtali na nakakalap ang kanilang team ng mga ebidensiya kaugnay ng umano’y iregularidad at paggamit ng pekeng dokumento sa late registration ng birth certificate ni Sy.
Nauna nang sinabi ni Hontiveros na walang natagpuang katumbas na birth, death, o marriage records sa PSA para sa mga magulang na nakapangalan sa birth certificate ni Sy.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang ayusin ang mga sistema sa civil registry at beripikasyon ng citizenship upang maiwasan ang paggamit ng mga dayuhan ng mga dokumentong umano’y peke upang makakuha ng Filipino identity.














