-- Advertisements --

Kasunod ng kumalat na kontrobersiya sa isang podcast channel na umano’y ginawang katatawanan ang kapansanan ni Josh Aquino, ang anak ng aktres na si Kris Aquino, mariing binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat gawing punchline o katatawanan ang kalagayan ng mga taong may kapansanan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Senator Risa Hontiveros, iginiit nitong hindi katanggap-tanggap ang pangungutya at pangmamaliit sa mga persons with disabilities o PWDs, anuman ang platapormang pinaggagamitan nito. 

Binigyang-diin din ng senador na kinikilala ng mga batas ng bansa ang dignidad ng bawat mamamayan, kabilang ang mga taong may kapansanan.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang National Autism Care, Support, and Inclusion Act na kaniyang isinulong, kasabay ng iba pang mga batas at panukalang naglalayong labanan ang diskriminasyon at palakasin ang proteksiyon para sa mga taong kabilang sa mga bulnerableng sektor.

Nanawagan din si Hontiveros sa mga taong may malawak na impluwensiya sa social media at iba pang plataporma na maging responsable sa kanilang mga pahayag at nilalamang inilalathala.

Giit ng senador, ang paraan ng pagtrato sa mga taong nasa bulnerableng kalagayan ay sumasalamin sa pagkatao ng isang indibidwal. Dapat aniyang pangalagaan at igalang ang mga ito, sa halip na gawing paksa ng pangungutya.

Ang kontrobersiya ay muling nagbigay-pansin sa usapin ng responsibilidad ng mga content creator sa pagtalakay sa kapansanan, lalo na kung ang isang tao ay nagiging paksa ng pampublikong diskusyon dahil sa kaniyang personal na kalagayan.

Sa gitna ng lumalawak na impluwensiya ng mga podcast at social media platforms, pinaalala ng Senador ang kahalagahan ng paggalang sa dignidad ng bawat tao, anuman ang kaniyang kondisyon o kalagayan sa buhay.