Ipinahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagkabahala sa posibilidad na alisin ang Anti-Epal provision sa 2027 national budget, na naglalayong pigilan ang mga pulitiko sa pag-angkin ng kredito sa mga programang ayuda ng pamahalaan.
Sa gitna ng pagtalakay sa panukalang P254.34-bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Lacson na may ilang mambabatas umanong nagtutulak na alisin ang naturang pagbabawal sa pag-uusap sa bicameral conference committee o Bicam.
Para sa senador, mahalagang mapanatili ang probisyon upang hindi magamit ng mga opisyal ang mga programang pinopondohan ng gobyerno para sa sariling pagpapakilala, lalo na sa pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Iminungkahi rin niya na repasuhin ang malaking pondong nakalaan sa AICS at ilipat ang P48.14 bilyon sa ibang serbisyong panlipunan, kabilang ang food assistance, supplementary feeding at Universal Health Care.
Ipinaliwanag naman ni Senator Risa Hontiveros na may umiiral na screening at dokumentasyon ang DSWD sa pagpili ng mga benepisyaryo ng AICS. Gayunman, nanatiling kritikal si Lacson sa pagpapatupad ng programa.
Hiniling din niya sa DSWD na sampahan ng kasong kriminal ang mga lokal na opisyal na umano’y kumukuha ng bahagi sa perang ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo, sa halip na administratibong pananagutan lamang ang harapin ng mga ito.














